Ikaw ang tanging kailangan ng bayan upang ito ay mahango, sa pagkakalublub sa putik at kinabukasang pango.
Ngayon na ang takdang panahon upang ikaw ay bumangon, at iwanan ang panig ng mga hidhid at cimaron.
Ang mga nakakasulasok na pag uugali ay pawiin, para ang kinabukasan ng iyong anak sa bangin ay bawiin.
Sadya kang nilikha ng Diyos upang maging magiting, ang iyong kapalaran ‘wag ipakipagsapalaran sa mga salarin.
Sa aking mga salita kung ayaw kang maniwala, sa lungkot ng tingin ng iyong bunso, doon ka magtiwala.
Bukas ba niya’y iyong isasangla sa mga nagpapasasa, o iyon itong dakang babawiin at kagyat na idadambala.
Sa pakikipaghamok mo sa mga dayukduk hindi ka nag-iisa, basta bantayan mo ang iyong hanay at hindi sila makaka iisa.
Titigan mong mabuti ang kanilang ginagawa, ayon ba ito sa kanilang salita, o sila ba’y mga sinungaling na di pasasawata.
Ang kasuklam suklam nilang gawain pag di mo pinigil at wala kang ginawa, at sadya kang nag maangmaangan na parang tulala….
Ay masahol ka pa sa kanila, dahil ang may tamang pag iisip ay hindi isang istatuwa, na ngingiti na lang habang ang anak na dalaga’y ginagahasa.
Ikaw lang ang makakapigil sa kanila, sa kanilang paghalay sa Bayan at sa mga dilag nito’t diwata.NINOS INOCENTES
Ang ligaya ng isang ama ay walang kahulilip, ng ang ngiti ng kanyang panganay na anak ay unang makita, higit pa sa magandang panaginip.
Ang luha ng tuwang tuwa ina ay walang kapantay, ang mga naglulundagang kamag-anak nag aagawan sa pagbabantay.
Ang pagbati ng mga kaibigan ay halakhak at hagalpakan, ng iuwi ka sa bahay, ang salubong ay masigabong palakpakan.
Hindi iniinda ang iyong mga palahaw at iyak, dahil ito ay tanda ng bagong pag asa at buhay na saganang tiyak.
Sadyang ganyan ang salubong sa bagong sanggol pag sa lupa’y isilang, tanda na ang Maykapal patuloy tayong hinihirang.
Baligtad ang kalagayang ito sa bayang hindi pinagpapala ng Diyos, pagdating ng isang bata, ay hudyat ng pahirap at paghihikahos.
Sa bayang api, magulang, unang nasok sa isipan, saan kukuha ng gatas, saan ang lampin, kuna at tulugan?
Ang sanggol, sa hirap man at ginhawa ay walang pag aalala, dahil ang iluwal siya dito sa mundong maganda ay sapat na.
Siya ay walang pangingimi at takot, walang pagkukunwari, sakim na pag iimbot at lalong walang isipang baluktot.
Walang suliraning hindi mabibigyan ng lutas, walang sakit na hindi malalapatan at magagawaran ng tamang lunas.
Walang malayong patutunguhang na hindi mararating, magandang pangarap ay matutupad ng walang kahambing.
Okey lang kung ang damit niya ay gula gulanit, okey lang kung manyika ay basahan, solb din kung laruang papel ay punit.
Sa kanya ay walang maliit, walang mataas, walang may pinag aralan at walang mapangpanggap, parehas ang batas.
Kapirasong tinapay, hindi ito sanhi sa kanya ng away, kalarong walang makain, kanyang ibibigay, kahit ang saring pamaypay.
Sandaling pagkagalit kagyat napapalitan ng ngiti, pagtatampo ay isang dahilan para makipagbati.
Iyan ang tunay na kalagayan mo, anak, wala kang takot at hindi ka ugaling tiyanak.
Iyan ang tunay mong anyo, bunso, huwag kang makinig sa mga nuno sa punso.
Balikan mo ang malinis at kumikinang na batis ng isipan, na dakilang pamana sa iyo ng Diyos ng sa mundo ikaw ay isilang.
Alalahanin at sariwain mo ang Kanyang sa iyo ay ibinulong ikaw ay bukod tanging mahal Niya at ang pagmamahal na ito, iyong isulong!
Ginawa ka niyang isang …nino inocente, binigyan ng isang pagkalilinis linis na papel…. dito ikaw ang ponente.
Isulat mo ang dapat mong isulat.
Kamay ay igalaw.
Kilos.
PAGE 57 to 59