SA SIMBAHANG KRISTIYANO
Noong araw, ang libangan sa Roma ay dugo at kamatayan sa coliseum.
Gladyator. Tao laban sa tao. Tao laban sa hayop. Hayop laban sa hayop. Dugo at kamatayang walang humpay, halakhak, katuwaan at tawanan.
Mga barbaro, mga taong hindi sibilisado. Sibilisasyon ng kamatayan at patayan. Manhid na sila.
Paano ito nagtapos? Paano ito nahinto? Isang bagong paninilawang Kristiyanismo ang dumating.
Romano’y na asar, lahat ng Kristiyano’y inipon at isa isa, sabay sabay, sa coliseum ay itinapon.
Walang sandata, hindi lumaban, para bang sa kamatayan ay walang katakutan, nagsipagdasal at umawit sa harap ng kanilang katapusan.
Romano’y nagtaka, nahindik at nagsawa. Kristiyanismo nalaunan ay tinanggap nila.--~~==+++==~~--
Fast forward tayo ngayon. Marshmallow ka ba?
Okey lang kahit ano ang mangyari, basta hindi ka kasali?
May mata, ayaw tumingin. May tenga, ayaw makarinig. May dila, ayaw magsalita.
Kung hindi ka kikilos, sino ang gagawa? Kung hindi ka gagalaw, ano ang aasahan mo sa mga estatuwa?
Kung hindi mo ipagtatanggol ang tama at nararapat, at di lalabanan ang kasamaan, totoo ka ba?
Totoo ka ba, kung ang kasamaan ay ayaw mong titigan sa mata, at wala kang kaimik imik, habang mga pangyayari sa paligid ligid mo ay kahindik hindik?
Tunay ka ba, kung ang Diyos sa mga maling bagay at gawain ay namumuhi, pero pagdating ng gabi, sa joke ni Kongressman, ikaw ay nakangiti?
Tama ba, na hindi makisali at sadyang manahimik, para ang bahay mo’y hindi mapanhik, habang ang panaghoy ng mga inaapi ay hindi matahimik?
Magaling ka ba, kung ang bank account mo, punong puno ng pera, pero ang pulubing batang damit ay gula gulanit, di mo na makita?
Nakakatulog ka bang mahimbing, habang ang buong bayan ay namumuhay sa gitna ng isang bangungot at walang tigil na sakit at halinghing?
Nadarama mo pa ba, ang sakit ng puso ng isang ina ng sa kamay niya ay iuwi, bangkay ng dalagang anak na nireyp ni Meyor at pinasa sa kanyang mga kasapi?
Ano ang silbi ng sermon, kung walang aksiyon, ano ang halaga ng paniniwala kung ang mga masama ang siyang iyong kabakasyon?
Wala akong karapatang pagsabihan ka, kaya sa iyo “Siya” ang humusga. “ Ipakita mo sa akin ang iyong paniniwala, at ipakikita ko sa iyo ang sa paniniwala, aking nagawa.” Ito ang wika “Niya.”
Walang kasamaang siya ay nangimi, bawat kampon ng kadiliman ay kanyang pinawi. Binigyan ka niya ng liwanag, para ang dilim ay magapi.
Tunay at totoong umiilaw ka ba? O pundido na? Itapon at durugin ang mga pundidong bumbilya!
PAGE 19 to 21