SA MGA BANGKO AT BANGKAROTE
Mga nakaamerikana kuntodo kurbata, tie clip na diamante at panyong galing pa sa Espana.
Harvard Business Club kuno, MBA, Ph D sa Wharton at marami pang iba, siya daw ay mula sa buena familia.
Perang pinagpawisan ng dugo ng depositor pinagkatiwala sa kanya, limpak limpak na salapi deretso sa kanyang kaha.
Kapital niyang isang daang milyon nadagdagan ng depositong isang bilyon, sa lahat ng kaniyang kamag-anak ipinautang niya.
Mga negosyo at idea niyang alanganin, pera ng sambayanan ipinandilig niya, akala mo walang kontrol na ligadera.
Nang negosyo kuno ay bumaligtad, at tseke’y tumalbog, sugod sa Central Bank takbong nagkukumahog.
Panakot niya, “Pag hindi niyo ko binigyan ng pera, depositor sa ating lahat mawawalan ng kumpiyansa.”
Uto utong gobernador, con todo abono, dahil ang salapi hindi niya kaano ano, saka hindi lang naman ito ang buena mano.
Perang nasambot deretso na naman sa mga kamag anak, derecho sa negosyong tagilid, todo na naman ang ligadera.
Pagkaluging uli, takbo sa Bangko Sentral (dahil lugi na at sarado ang Central Bank) , at basurang kolateral muling isasauli. Saan ka ba naman nakakita ng bayan sa buong mundo, na ang Central Bank tumataob, at Bangko Sentral ay palabigasan….
Ng mga taong kunyari ay disente at nakakurbata, iyon pala ay masahol pa sa holdaper na nakamaskara.
Ng sa banking system ay maisuka, tatag ng insurance plan, educational plan, at may memorial plan pa.
Bili ng bagong kurbata, trust plan ng insurance, trust plan ng education, pati trust plan ng patay, muling niletse letse.
Mga batang nag aaral na matrikula’y galing sa trust plan walang pera, mga magulang ng sampung taong sa plan ay naghulog, sa five-six napunta.
Opisyal ng gobyerno na tagabantay ng perang trust plan, nasa restoran nagmemeryenda, ang kasama ay nakangiti at nakakurbata.
Ang tamis, ang sarap, ng letse plan, lalo na pag ipinampahid ang kurbata. Si dyunyur nila, may dyunyur kurbata na. Letse.
PAGE 15 and 16