ARAW NG MGA DAKILA
Ang buhay ng tao sa lupa ay sadyang maikli, ang mga taon ay para bang naghahabulan at naglalahong walang pasubali.
Ngunit ang limampung taon ay para bang panahong napakahaba, sapat upang makaipon ng salaping milyon at tayo’y magpasasa.
Kung ito ang sa buhay ay adhika, para bang nakalimutan natin na sa totoo, 50 taon ay katumbas lang ng 18,250 umaga.
Napaka kaunti pala ng ating mga araw at umaga, sino sa atin ang may natitira pang 20,000 araw sa balat ng lupa?++++++++++++++++++++++
Ang buhay ng tao ay sadyang mahiwaga, ang mayroon ay nawawalan, at ang maikli ay maari kayang maging walang hanggan?
Bukas, sa pagsilang ng isang bukang liwayway, kung mamahalin mo ito at ituturing na isang bagong buhay……
At ito sa Diyos at sa kapuwa tapat na iaalay, lahat ng ulap kaya sa langit ay mawawala at araw ay magkakaroon ng sari saring kulay?
Pagkaing walang lasa kaya ay biglang sasarap, at bawat makasalubong ay kagyat na magngingitian at di iirap?
Ang pananakit kaya ng katawan ay mawawala, kirot ng ulo ay mapapawi, at maglalaho ang pagkabahala?
Ang takot at pangamba kaya ay mawawaglit, maghuhupa ang matinding galit, at kaluluwa ay matatahimik?
Pakiramdam mo kaya ay parang isang puno na sa gitna ng isang batis ay sadyang itinanim, at hindi sa disyerto ng alanganin?
Hindi mo na kaya kailangang sa buhay ay magmadali, sadyang lumakad ng banayad, upang bawat bulaklak ay makita at kasabay ay mabati?
Magkakapanahon ka na kaya, para anak ay makalaro, at makasama sa gabing tumanaw sa mga tala?
Bawat saglit kaya ay magiging parang perlas at bawat hugot ng hininga ay brilyante ng pagpapala?
Ang mga sandali kaya ay malimutan, at bawat araw ay maging ligayang walang hanggan?
Taon kaya sa lupa ay hindi na kailangang bilangin at sa pagpanaw ay may matirang ngiti?
Hindi ko alam kaibigan…….ito kaya ang bawat araw sa mga dakila?
Panahon na kaya……para matamasa…….. ang araw ng mga dakila?
PAGE 66 to 67