TAG SIBOL?
Na aalaala mo pa ba, ng sa ilalim ng bilog na buwan tayo ay nagkita, gusto mong maglaro, magbiro at tumawa?
Natatandaan mo pa ba, ang maraming kulay ng mga gumamela, ang sari sari paru paro, tutubing karayom, at ang sayaw ni Pamela?
Si Rudyard na matawanin, si Rex na mapagbiro, si Anthony’ ng mahiyain at si Jess na puro laro?
Ikaw ba ang unang taya sa laro nating tumbang preso, o ikaw yung dakang umuwi ng sa piko ay matalo?
Ilang beses ba tayong naglaro ng taguan, nanguha ng kuhol at namingwit ng palaka sa kabukiran?
Kasama ka ba ng si Pedro ay habulin ng itak, ng mapagkamalan ni Lolo Ariong na humuli sa kanyang tagak?
Nalimutan mo na ba ng ikaw ay mawala sa tumana, at ng makita ka, nasa tabing ilog at doon papaya’y pinapana?
Panahon ng tag sibol noon ng tayo’y magkalayo, ang mga halaman ay nag uusbungan at tanim ay sadya pang patayo.
Ako ay nauwi upang magsaka at magpawis sa Cotabato, at ikaw ay napasok at nagmarcha bilang sundalo sa Campo.
Paglipas ng dalawampung taon bakit ganoon ang pagkakataon, sa giyera sa Mindanaw tayo’y muling nagkatagpo.
Laking gulat ng malaman ko, mga kalaban ikaw ang pinuno, wala akong nagawa ng sabihin nila, puntiryahin ka, at pakawalan ang punglo.
Kapatid, luhaang hawak hawak ko ang iyong bangkay na puno ng dugo, ang tanong ko…tag sibol ba ng tayo’y magkalayo?BUNTONG HININGA AT BULAKLAK
Patapak ka pa lang ng labin limang taon ng mawata mong ang tingin mo sa kanya ay para bang nag iba.
Ngiti niya’y para bang patamis ng patamis, samyo niya’y para bang halimuyak ng bagong pinipig sa umaga.
Mga salita niya pakiwari mo’y para bang naglalaglagang perlas, sa dapo ng hangin, ang kanyang buhok, daig ganda ng along dagat.
Ganito pala ang unang umibig, pag ang diwata niya’y hindi masilayan o siya’y di mapansin, labi sa pangungulila ay kagat kagat.
Tuwing makikita mo naman siya, ikaw ay nahihiyang lumapit, nanlalamig at nagtitiyaga sa pasulyap sulyap.
Puso’y naghuhumiyaw, katawan’y nanginginig, tinig ay nawawala, ang mahawakan ang kamay niya ang tanging pangarap.
Nang magkaroon ka ng pagkakataon ay sinabayan mo siyang maglakad, para bang sa lupa, yaong paa ay mo,ay hindi sumasayad.
Pakiramdam mo, lahat ng ibon sa mundo ay nakanta habang nalipad, at lahat ng bulaklak ang talulot sabay sabay lumaladlad.
Handa ka ng ibigkas ang iyong pagsinta ngunit bago pa man, ika’y pinigil niya, sabay sabi sa iyo “Oo mahal kita.”
Kay ganda ng daigdig, langit ay walang ulap, huwag mo sanang makalimutan na ganito ang magmahal at mangarap.MASARAP PAWISAN
Bakit ba sa paraiso. si Adan at si Eba ay pina alis, at pinangakuan na hindi kakain kung hindi mag pawis?
Ang pagpapawis ba sa isang hindi masunurin ay isang sumpa, o isang paraan upang ang naligaw ay maitama?
Nararamdaman mo pa ba ang tuwa at saya mo, ng una kang makapagtrabaho, isang supot ng pancit uwi sa mahal na paslit mo?
Pagod mo’y daka dakang napalis, bimpo sa pawis ipinang alis, sabay salubong ng halik sa iyo, ng iyong misis.
Ang magbanat ng buto at kumayod, para ang pamilya ay maitaguyod, ito ang gantimpala mo.
Ang pawis sa noo mo, ang tanda ng pagmamahal sa iyo ng Diyos mo, ito ay parang hamog na pabuya, sa tuyot na damo.
Kaya’t hindi ka dapat matakot at mangamba kung hirap ay di masawata, kumilos at magpawis at tutulungan ka ng diwata.
Sa paraang mabuti pag ikaw ay nasanay, buhay ay matiwasay, sadyang ubod ganda’t mahusay.
Sa hirap at kumunoy ika’y siguradong mahahango, at ang pawis magiging amoy bulaklak na mabango.
Tandaan mo na ang sumpa sa tao ay sadya lang na magkakatotoo, pag ang yaman ay hindi pinagpawisan, ang lahat ay mauuwi sa buhangin at bato.
Walang matitira kundi ang hangin at buhangin, ulap at langit, at ang iyong alikabok matapos maging buto.
PAGE 60 to 62